“Ang kailangan ng Maynila ay isang Alkaldeng maasahan ng kanyang mga kababayan at may puso sa lahat ng mga nangangailan na handang tumulong sa mga mahihirap anumang oras”.
Ito ang binigyang diin ni dating Pangulong Joseph Estrada sa isang political rally sa San Andres district kamakalawa ng gabi kasabay ng pag eendorso sa kandidatura ng nagbabalik na Alkalde ng Maynila na si Lito Atienza at sa buong tiket nito na “Buhayin ang Maynila”.
Hindi naman magkamayaw sa pagsigaw ng suporta ang libo-libong residente ng San Andres na dumalo sa nasabing pagtitipon kung saan inihayag ni Erap na si Atienza ay isang “tunay na kaibigan, laging maaahan at hindi nang-iiwan sa gitna ng laban”.
Matapos na itaas ni Erap ang kamay ni Atienza at ng running mate nitong si Bonjay Isip-Garcia, bilang pag eendorso sa kandidatura ng dalawa, pinasalamatan ng dating Pangulo ang mga Manileno sa patuloy nilang pagsuporta sa Partido ng Masang Pilipino at nangako na susuklian nito ang pagmamahal na ibinigay sa kanya sa pamamagitan ng public service sa pakikipag tulungan na rin ni nagbabalik na administrasyon ni undefeated three term Mayor Atienza.
“Alam ko ang pagkatao ni Lito. Subok na siya sa pagtulong sa mga mamamayan, lalo na sa mga mahihirap”, ayon pa kay Erap kung saan ikinumpra nito si Atienza kay Mayor Alfredo Lim at sinabing hindi siya inibandona ng nagbabalik na Alkalde hindi tulad ni Lim na isang sinungaling.
“Yang si Lim, nagsinungaling pa. May aasikasuhin lang daw siya, aawatin lang daw niya ang mga tao, yun pala, pupunta na sa Edsa. Hindi kagaya ni Atienza hindi ako iniwan hanggang sa huling araw ko sa Malacanang noong Enero 2002″ , ayon pa kay Erap.
Malaki naman ang panghihinayang ni Erap kung bakit sinuportahan niya ang kandidatura ni Lim noong 2007 sa kabila ng pagta-traydor sa kanya nito nong Edsa 2 at muling napatunayan ng dating Pangulo na walang malasakit sa mahihirap ang Alkalde ng kaladkarin ng mga tauhan nito palabas ng Vitas slaughter house ang isang konsehal ng Maynila. “Kung magagawa niya yan sa isang konsehal, ano pa kaya sa maliiit na tao?”ayon pa kay Estrada.
Nilinaw ni Estrada na hindi siya nagalit kay Atienza ng magiging miyembro ito ng gabinete ni PGM dahil hindi naman umabuso sa kapangyarihan ang dating DENR Secretary at nanatili pa itong tapat sa kanyang mga kaibigan tulad ni Erap simula pa noong dekada 70 kung saan nagsimula sila sa iisang layunin sa pag aalaga sa mga matatanda at pagbibigay ng bahay sa mga mahihirap na siya ring prioridad ni Estrada noong siya pa ang Alkalde ng San Juan hanggang sa maging Senador noong 1987.


